Friday, August 2, 2013

Kristoffer Martin will not stop discovering ways to improve his acting skills

Sa nalalapit na pagtatapos ng GMA-7 afternoon soap na Kakambal Ni Eliana, hindi maiwasan ng cast members na malungkot sa last taping day ng serye na ginawa sa Subic.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang isa sa leading men ng serye na si Kristoffer Martin—via direct messaging ng Twitter ngayong araw, August 2—at sinabi niyang marami siyang mami-miss sa show, lalo na ang magandang samahan nila.

Saad ng young actor, “Sobrang okay kaming lahat sa set ng show—walang intriga, lahat nagkakasundo, lahat nagbibigayan.

“Sabi nga nila, ang babait naming lahat sa show.

“Kahit nga raw yung mga kontrabida ng show namin na sina Tita Shey [Sherilyn Reyes-Tan] at Lexi [Fernandez], masaya silang kasama kapag nagkukuwentuhan kami.

“Wala raw nabalitang may nag-aaway sa amin, very pleasant nga raw parati ang taping namin.

“Lahat kami kasi, magkakaibigan at maganda ang bonding namin, kaya walang problema tuwing taping namin.

“Very thankful nga ako na nagkaroon ako ng chance to work with the likes of Mr. Jomari Yllana, Ms. Jean Garcia, Ms. Eva Darren, Mr. Ernie Garcia, Mr. Rez Cortez, at Mr. Leo Martinez.

“Mararamdaman mo talaga yung word na ‘family’ doon sa set namin.

“Kaya sobra kong mami-miss lahat ng mga tao sa show na ito, kasama na doon ang mga crew namin na nakikipagpuyatan sa amin parati.”




NOTHING PERSONAL. Kakaiba sa karanasan ni Kristoffer, marami ang nag-aakala na magkakaroon ng clash sa pagitan nila ni Enzo Pineda dahil pareho silang leading men ni Kim Rodriguez sa teleserye.

Pero nauwi naman sa magandang pagkakaibigan ang lahat.

Kuwento ni Kristoffer, “Yun nga raw ang hinihintay nilang mangyari, yung magkaroon kami ng personalan ni Enzo.

"Pero siyempre, wala naman sa amin iyon.

“Tsaka matagal na kaming magkakilala ni Enzo kaya walang intriga na puwedeng masimulan sa aming dalawa.

“Tsaka yung roles naman namin, magkaiba, kaya magkaiba ang pag-portray namin at may kanya-kanya kaming highlights na kasama si Kim.”

Sa final episode ng Kakambal Ni Eliana, malalaman na kung sino ang lalaki para kay Eliana—si Gabo (Kristoffer) o si Julian (Enzo) ba?

Sabi ni Kristoffer, “Abangan nila kasi big scene ang kinunan namin.

“Pinagpaguran namin itong i-shoot para sa mga nag-aabang ng Kakambal Ni Eliana.”

STILL LEARNING. Marami raw natutunan si Kristoffer sa kanyang pagganap bilang Gabo sa kanilang teleserye.

Aniya, “Hindi naman tayo dapat tumitigil sa pagtuklas ng iba’t ibang paraan para makapag-deliver ka ng magandang performance sa kahit na anong role na ibigay sa iyo.

“Tulad na lang dito sa Kakambal Ni Eliana, marami pa akong na-discover sa sarili ko bilang aktor.

“Marami pa akong puwedeng paghugutan sa pagganap ko, mas naging conscious ako sa bawat atake ko sa mga eksena.

“Tsaka mas nadagdagan ang dedication ko sa trabaho natin.”


QUALITY TIME. Dahil sa pagtatapos ng Kakambal Ni Eliana, mas magkakaroon na raw si Kristoffer ng panahon para sa kanyang girlfriend na si Joyce Ching.

Saad niya, “Wala namang nabago, kung ano ang oras at panahon na ibinibigay ko noon, ganoon pa rin naman ngayon kahit na busy tayo.

“Ngayon, since patapos na ang Kakambal Ni Eliana, mas madadagdagan ang time ko with Joyce.

“Pero siya naman ang mas busy ngayon dahil sa Anna KareNina.

“Pero kami naman ni Joyce, naiintindihan namin ang bawat isa dahil pareho kaming seryoso at focused sa trabaho namin.

“Walang lugar ang tampuhan sa amin dahil nandiyan kami parati para sa isa’t isa.”

Habang pinaplano ang susunod na teleserye niya, ang Sunday All Stars muna ang pinagkakaabalahan ni Kristoffer ngayon.

No response to “Kristoffer Martin will not stop discovering ways to improve his acting skills”

Leave a Reply